Sentimyento
Sa tuwing masasadlak ako sa trapiko dito sa Makati Avenue, walang pagkakataon na hindi ka malalapitan ng mga palaboy sa kalsada para hingan ng limos o kaya nama’y pagbilhan ng bulaklak. Una ay inis dahilan sa panganib na dulot nito sa mga motorista at higit pa ma’y sa murang katawan nila na nakababad na sa kalsada. Pagkatapos, awa. Ang hindi ko lang maintindihan, sa hubad na kahirapan ng nakararaming Filipino na matindi pa sa sikat ng araw na nakalantad sa atin, eto ang ating mga mambabatas at mga lokal na opisyal ng bayan na lantarang lumalapastangan sa ating kabang bayan. Matindi ang hinala ng marami na may malalim na kaugnayan ang lahat ng korupsyon kay Gloria Arroyo at sa First Gentleman Mike Arroyo. Sa sobrang dami yata ng mga ibinintang sa kanila, may ibidensya man o wala, napatunayan at mapapatunayan, ay naging sobrang makakapal na ang mukha, at sa sobrang kagarapalan at dahil sa galing nila’y pati sarili nila’y kaya na nilang paniwalain sa kasinungalingan. Hanggang saan ba tatagal ang mga nilubid na buhangin?
Marami sa atin ang pagod na. Pagal ng maniwala sa walang humpay na kataksilan ng mga taong hindi naman natin pinagtiwalaan noong una pa man. Napakahirap ng sikmurain ang kahayupan ng mga ito na walang habas na gumagahasa sa ating kalayaan, yaman, at pag-insulto sa talino ng mga Filipino. Nasaan ang sigla ng bayang naging instrumento sa pagpapalayas sa diktador? Nakalimot na rin ba tayo sa galit natin sa korupsyon? Hindi ba tayo ang naging inspirasyon ng maraming tao sa mundo kabilang na marahil ang mga mongha ng Burma? Doon ay matapang nilang hinarap ang mga baril at bala ng mga sundalo.
Manood na lang ba tayo habang inaagawan ang ating mga anak ng pagkakataong sa hinaharap na mamuhay ng matiwasay? Manapay, binibigyan na ng pasanin sa mga utang na wala naman silang kinalaman.
Hindi ko rin alam ang sagot. Subalit, nakahanda ulit akong magbilad ng balat sa kalsada.

0 Comments:
Post a Comment
<< Home